Pinangambahang muling sisiklab ang kaguluhan sa minahan ng ginto sa nabanggit na barangay matapos na matagpuan kahapon ng umaga ang bangkay na walang ulo ng biktimang si Romy Elardo ng Purok 4, Barangay Bayabas.
Ayon sa pagsisiyasat na si Elardo na huling namataang buhay na lumabas sa tinutulugan para bumili ng sigarilyo sa tindahan ng kanyang tiyuhin ay tumatayong lider ng mga manggagawa sa minahang pag-aari ni Robert Degala.
Ayon pa sa ulat, bandang alas-8:25 ng umaga kahapon nang matagpuan ng mga minero ang bangkay na walang ulo na lumulutang sa ilog may ilang metro lamang ang layo sa kanilang bahay at natagpuan din ang ulo nito sa hindi kalayuan.
Napag-alaman din sa ulat na pangatlong pagkakataong may pinupugutang minero dahil sa bangayan sa minahan ng ginto na pag-aari ng ilang prominenteng politiko
Nabatid sa source ng PSN na may ilang opisyal ng pulisya at military ang patuloy na nakikialam sa maliliit na minahan sa nabanggit na lugar na nagiging dahilan ng kaguluhan at patayan. Patuloy naman sa pagsisiyasat ang mga tauhan ni Chief Supt. Antonio Dator Nanas, Caraga regional director. (Ben Serrano)