Ayon kay Anti-Gambling Task Force at PNP-CIDG Chief Director Jesus Versoza, kumpirmadong nagpapatuloy ang operasyon ng jueteng sa mga munisipalidad na nasasakupan ng sampung opisyal na kinabibilangan ng mga hepe ng San Agustin, Benito Soliven, Echague at Jones na pawang nasa Isabela; Calumpit, Bulacan; Naic, Cavite; Pagbilao, Quezon; Tanauan, Batangas, hepe ng Batangas City at Tabaco City sa Albay.
Sa isinumiteng ulat ng Anti-Illegal Gambling Task Force, simula Agosto 31 hanggang Setyembre 25, 2006 ay may 11 anti-illegal gambling operations ang naisagawa sa nasabing mga lugar na nasasakupan ng Region 2, 3, 4-A at 5.
Umaabot naman sa kabuuang 107-katao ang nasakote at nasampahan ng kasong kriminal. Naitala naman sa P25,070.75 ang nasamsam na taya sa operasyon ng jueteng at ibat ibang uri ng mga paraphernalia ang nakumpiska.
Ayon kay Versoza, ang rekomendasyon para sibakin ang nasabing mga hepe ay isinumite na nila sa tanggapan ni PNP Chief Director General Oscar Calderon, kaugnay ng ipinatutupad ng PNP na one strike policy laban sa jueteng.
Samantala, binalaan din ang mga kumander ng pulisya na sisibakin sa puwesto sa sandaling mahagip sa one strike policy kontra sa mga sugalan. (Joy Cantos)