Summary execution, lumalala
September 23, 2006 | 12:00am
CAVITE Nagiging inutil ang pulisya sa patuloy na lumalalang kaso ng summary execution sa Cavite matapos na makadiskubre na naman ng isang bangkay ng hindi kilalang lalaki na nakagapos ang mga kamay sa gilid ng Governors Drive na sakop ng Barangay Paliparan, Dasmariñas, Cavite kahapon ng umaga. May palatandaang pinahirapan muna ang biktimang nilagyan ng packing tape ang buong mukha na nasa edad 23 hanggang 24-anyos at may taas na 5 talampakan, nakasuot ng maong pants at puting t-shirt. May teorya ang pulisya na pinaslang ang biktimang may tama ng bala ng baril sa ulo sa ibang bayan at itinapon sa nabanggit na lugar upang lituhin ang mga imbestigador. Kasalukuyang nasa St. Bartolome Funeral Homes ang biktima. (Cristina Timbang)
LUCENA CITY Inilunsad ng pamunuan ng health office at lokal na pamahalaan ang Barangay Dengue Brigade upang mahadlangan ang paglaganap ng day-biting mosquito na nagdadala ng virus ng dengue. Ayon kay Ruth Mangubat, CHO epedimiologist na binuo rin nila ang Barangay Health Response upang mapalawak ang kampanya laban sa nasabing sakit makaraang umabot na sa 74 biktima ng dengue ang naitala, 5 ang kumpirmado at isang bata ang namatay habang 69 ang nabibilang sa suspected cases pa lamang. Nilinaw rin ng mga opisyal na hindi nila ipinapayo ang pagpapausok o fogging bilang panlaban sa lamok. Ang mga malalaking lamok lamang aniya ang napapalayas sa fogging at tumatagal lamang ito ng tatlong araw samantalang ang pinakamabisang panglaban dito ay ang paglilinis pa rin ng kapaligiran. Magiging trabaho ng Barangay Dengue Brigade na imonitor ang 33 barangay sa nasabing lungsod at ipaalala sa publiko ang palagiang paglilinis ng kapaligiran. (Tony Sandoval)
CABANATUAN CITY Apat na kalalakihan na pinaniniwalaang sangkot sa serye ng nakawan ng motorsiklo ang dinakma ng pulisya makaraang makumpiskahan ng nakaw na motorsiklo sa kahabaan ng highway na sakop ng Barangay San Vicente, Gapan City, Nueva Ecija kahapon. Kabilang sa mga suspek na kinasuhan habang nakapiit ay sina Bonifacio dela Cruz, Sherwin Mendoza, Sherwin Castro at Dennis Mabre, pawang naninirahan sa Barangay Batya, Bocaue, Bulacan. Ayon kay P/Supt. Roel B. Obusan, ang mga suspek ay nakumpiskahan ng nakaw na motorsiklong Kawasaki mula sa Palmera Homes Subd., Novaliches, Quezon City noong Setyembre 15. (Christian Ryan Sta. Ana)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended