2 patay sa shootout

PAMPANGA – Dalawang kalalakihan kabilang ang isang most wanted na nakatala sa order of battle ng PNP ang iniulat na napatay matapos na makipagbarilan sa pulisya sa Barangay Anao, Mexico, Pampanga kamakalawa ng tanghali. Kinilala ang isa sa napaslang na si Cesario Sarmiento, samantalang bineberipika pa ang pagkikilanlan ng isa. Sa ulat ng pulisya, namataan sa bahagi ng Barangay Poblacion ang dalawa na sakay ng motorsiklong walang plaka at may kahina-hinalang kilos base na rin sa impormasyong ibinigay ng impormante. Nagkaroon nang habulan bago nagkabarilan hanggang sa nakorner ang mga suspek sa pinangyarihan ng insidente kung saan ay minalas na napatay ang dalawa. Si Sarmiento ay pangunahing suspek sa pananambang kay Mayor Peter Flores at misis nito sa Masantol noong Enero. Kabilang sa mga krimeng kinasangkutan ni Sarmiento ay ang pagpatay kay Brgy. Captain Ismael Lampa noong Enero 16, 2006; Rey Panaligan, alyas Rey Balbas noong Mayo 13, 2006; at Gerry Mercado noong Agosto. (Resty Salvador)

Show comments