6 Marines todas sa Sayyaf

CAMP AGUINALDO – Anim na sundalo ng Phil. Marines ang iniulat na napaslang habang 19 pa ang nasugatan sa isinagawang opensiba ng military laban sa mga bandidong Abu Sayyaf Group na pinangungunahan ni ASG Chieftain Khadaffy Janjalani, kasama ang dalawang Jemaah Islamiyah (JI) terrorist sa kagubatan ng Patikul, Sulu kahapon ng madaling-araw.

Sa ginanap na press briefing kahapon sa Camp Aguinaldo, sinabi ni Col. Allan Luga, hepe ng AFP Command Center, nakasagupa ng 3rd Marine Brigade ang may 200 Abu Sayyaf sa magubat na bahagi ng Barangay Tuga habang suportado naman ng mga helicopter gunship ng Philippine Air Force (PAF) na nagpapaulan ng mga rocket sa pinagkukutaan nina Janjalani.

Ayon kay AFP Spokesman Major Gen. Jose Angel Honrado, may indikasyon na magkakasama sina Janjalani, iba pang lider ng Abu Sayyaf na sina Isnilon Hapilon, Abu Solaiman, Dr. Abu Pula, dalawang JI terrorist na sina Dulmatin at Omar Patek na kapwa utak sa Bali bombing sa Indonesia noong 2002.

Gayunman, tumanggi muna si Marine Col. Ariel Caculitan na tukuyin ang mga pangalan ng nasawing sundalo dahil kailangan pang impormahan ang pamilya ng mga ito.

Sa kabuuan, umaabot na sa walong sundalo ang napapaslang at isang pulis, habang 55 naman ang nasugatan taliwas sa naunang napaulat na 80 sugatan sa panig ng militar simula ng ilunsad ang "Oplan Ultimatum " noong Agosto 1 para durugin ang puwersa nina Janjalani sa Sulu.

Patuloy ang pagtugis ng tropa ng pamahalaan upang durugin ang puwersa ng Abu Sayyaf Group. (Joy Cantos)

Show comments