Prexy ng asosasyon itinumba
July 29, 2006 | 12:00am
CAVITE Binaril at napatay ang isang 32-anyos na presidente ng Gabay Crime Watch Volunteers Association ng nag-iisang lalaki sa harap ng bahay ng biktima sa Barangay Zapote 1, Bacoor, Cavite kahapon ng umaga. Hindi na naisugod sa ospital ang biktimang si Cora Equillon matapos na putukan ng baril sa ulo ganap na alas-7 ng umaga. Ayon kay PO2 Dominador Termil, posibleng may matinding galit ang killer kaya sinamantalang nag-iisa ang biktima sa sariling bahay at isinagawa ang krimen. (Cristina Timbang)
PANDI, Bulacan Pinaniniwalaang isinasangkot sa mga rebeldeng New Peoples Army ang isang 42-anyos na magsasaka kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ang biktima sa sariling bakuran sa Barangay Siling Matanda sa bayan ng Pandi, Bulacan noong Huwebes ng gabi. Sapol ng bala ng malalakas na kalibre ng baril ang katawan ni Michael Macacando. Batay sa imbestigasyon nina PO2 Ferdie Cabuhat at PO1 Rodel Salgado, katatapos lamang maghapunan ng biktima bandang alas-7:30 ng gabi nang biglang magtatahol ang alaga nitong aso. Lumabas ng bahay ang biktima upang usisain, subalit ilang sandali pa lamang ay sinalubong na ito ng nag-uunahang bala ng baril ng M-16 assault rifle at 9mm pistol. (Dino Balabo)
IBA, Zambales Napagtripang kalawitin ni kamatayan ang dalawang estudyante na magtatapos sa Ramon Magsaysay Technological University (RMTU) makaraang maligo sa baybay dagat kahit rumaragasa ang bagyong "Glenda" sa Sitio Corucan, Lipay-Dingin, Iba, Zambales kamakalawa. Base sa ulat ng Provincial Disaster Coordinating Council (PDCC) na si Dodong Velaso, kinilala ang dalawang biktima na sina Odette Salvalios, 21, ng Sta. Cruz, Zambales, graduating student sa kursong Computer Science at si Ergen Valencia, 20, graduating student ng Bachelor of Science in Computer Science sa nabanggit na unibersidad. Napag-alaman na nagkayayaan ang magkaklase na maligo sa dagat kahit na malakas ang alon at kasagsagan ng bagyong "Glenda". (Fred Lovino)
CAMP OLIVAS, Pampanga Bumagsak sa kamay ng pulisya ang tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang notoryus na tulak ng bawal na gamot sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Ninoy Aquino, Angeles City, Pampanga, kamakalawa. Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Sajid Serrano, Eric Esaura, 23, ng Barangay Mabato, Calamba City, Laguna at Enrico Tolentino, 46, ng nabanggit na lungsod. Base sa ulat ng pulisya, ang tatlo ay nakumpiskahan ng hindi nabatid na gramo ng shabu at pinatuyong dahon ng marijuana. Kinumpiska rin ng pulisya ang isang XRM Honda motorcycle (HL-2401) na ginagamot ng mga suspek sa kanilang modus operandi. (Resty Salvador)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended