CAMP SIMEON OLA, Legazpi City Sa palikuran ng sabungan kinarit ni kamatayan ang isang 62-anyos na negosyante makaraang barilin ng hindi kilalang lalaki habang jumi-jingle ang biktima kahapon ng madaling-araw sa Barangay San Roque sa bayan ng Bula, Camarines Sur. Tama ng bala ng baril sa ulo ang tumapos sa buhay ni Raymundo Esta ng Barangay Ombao Polpog ng nasabing bayan. Ayon sa pulisya, naganap ang krimen dakong alas-3 ng madaling-araw matapos na lumabas ng Canet Sport Arena (Sabungan) ang biktima para pumunta sa palikuran. Malakas na putok ng baril ang umalingawngaw at natagpuang nakabulagta ang biktima. Napag-alamang tinangay ng killer ang motorsiklo ni Esta na may plakang EM-4103.
(Ed Casulla) Kabesa nilikida sa inuman |
CAMP MIGUEL MALVAR, Batangas Hindi na nakapaghapunan ang isang 51-anyos na barangay captain makaraang ratratin ng nag-iisang killer habang nakikipag inuman ng alak ang biktima sa bayan ng San Juan, Batangas kamakalawa ng hapon. Napuruhan sa dibdib ang biktimang si Aristeo Panaligan ng Barangay Mabalanoy ng nabanggit na bayan, samantalang hindi naman nakapalag ang ilang kaibigan ng biktima laban sa suspek na may hawak na baril bago tumakas. Ayon kay P/Senior Supt. Francisco Don Montenegro, Batangas provincial director, masayang nakikipag-inuman ng alak ang biktima sa kanyang mga kaibigan nang lapitan ng hindi kilalang lalaki bago pagbabarilin. Wala pang malinaw na motibo ang pulisya sa naganap na krimen.
(Arnell Ozaeta) Holdap: Konsehal, 2 pa kritikal |
CAVITE Nakaamba ang kalawit ni kamatayan sa isang municipal councilor at dalawa pang iba na rumesponde sa holdap makaraang ratratin ng tatlong kalalakihang nangholdap sa dalawang kawani ng kompanya na may bibit na malaking halaga kahapon sa bahagi ng Trece Martirez City, Cavite. Nasa Perpetual Help Medical Center ang mga biktimang sina Councilor Danilo "Danny" Montehermoso, Julius Lontoc, at Oscar Vergara, pawang nakatira sa Barangay Cabuco. Kinilala naman ni PO1 Bernie Espiritu, ang mga hinoldap na sina Oliver Torre, 25 at Jenny Salud, 34, acting manager ng Thecla Fashion, Inc. Lumitaw sa pagsisiyasat ng pulisya, hinarang ng mga holdper na sakay ng motorsiklo ang sasakyang L300 van (XRK-762) nina Torre at Salud na may bitbit na P.442-milyon bilang payroll sa mga obrero ng nabanggit na kompanya. Namonitor naman sa handheld radio nina Montehermoso, Lontoc at Vergara ang holdapan kaya rumesponde sakay ng Nissan Patrol (RBF-514), subalit sinalubong sila ng sunud-sunod na putok ng baril.
(Cristina Timbang at Lolit Yamsuan) 2 mag-aaral tiklo sa pagnanakaw |
CABANATUAN CITY, Nueva Ecija Nasa balag ng alanganing mapatalsik sa pinapasukang hayskul ang dalawang estudyante matapos na maaktuhan sa pagnanakaw ng computer sa sariling eskuwelahan sa Cabanatuan City, kahapon ng madaling-araw. Sa pagsisiyasat nina SPO1 Luis Vizconde at SPO3 Guillermo Domingo, naaktuhang bitbit ng dalawang suspek na itinago sa pangalang John at Carlo, ang isang computer na kanilang ninakaw sa Nueva Ecija High School. Hindi na nakalabas ng gate ng hayskul ang dalawang estudyanteng tumangay ng computer matapos na sitahin at arestuhin ng security guard na si Emil Pangilinan. Naniniwala ang punong-guro na si Elvira Camacho na ang mga nawawalang gamit sa computer sa kanilang eskuwelahan ay posibleng tinangay din ng dalawa.
(Christian Ryan Sta. Ana)