CAVITE Kusang sumalubong kay kamatayan ang isang 29-anyos na dalaga matapos itong magbigti dahil iniwan ng live-in partner kahapon ng umaga sa Barangay Panapaan 5, Bacoor, Cavite. Ang biktimang nag-iwan ng suicide note bago nag-suicide ay nakilalang si Sheryl Pontillas ng Sitio Street, Martin De Porres Bukid ng nabanggit na barangay. Ayon kay PO1 Roman Sineng, huling namataan buhay ang biktima na nakikipagtalo sa kanyang live-in partner na si Gaylord Munding hanggang sa umalis na ang lalaki at isinama ang kanilang anak. Ilang oras matapos iwanan ng lalaki ang kanyang live-in partner ay natagpuan naman ang bangkay ng biktima.
(Cristina Timbang) Marino todas sa salpok ng trak |
CARRANGLAN, Nueva Ecija Masaklap na kamatayan ang sinapit ng isang 50-anyos na marino makaraang bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa kasalubong na trailer truck sa pakurbadang bahagi ng Maharlika Highway na sakop ng Sitio Nanglagarian, Barangay Puncan, Carranglan, Nueva Ecija kamakalawa ng umaga. Binawian ng buhay habang isinusugod sa San Jose City Emergency Hospital ang biktimang si Manolito Duenas y Pablo ng Barangay San Nicolas, Gapan City. Sumuko naman sa pulisya ang drayber ng trak (UAT-427) na si Ricardo Cariaga y Dumlao, 49, ng Barangay Sta. Maria, Alicia, Isabela. Ayon sa pulisya, patungo ang biktima sa hilagang direksyon sakay ng motorsiklong Kawasaki (YI-9732), nang mawalan ng kontrol sa kurbadang highway hanggang sa masalpok ng trak.
(Christian Ryan Sta. Ana) Alalay ng gobernador itinumba |
CAMP VICENTE LIM, Laguna Isang 29-anyos na malapit na security aide ni Laguna Gov. Teresita "Ninging" Lazaro ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng kanyang katrabaho sa bayan ng Bay, Laguna kahapon ng umaga. Kinilala ni Senior Supt. Luisito de Leon, Laguna police director, ang biktimang si Bonifacio Villagracia, nakadestino sa motorcycle unit ng Laguna Traffic Management Office. Bandang alas-7:15 ng umaga habang papalabas ng bahay si Villagracia sa Barangay San Isidro nang biglang pagbabarilin ng suspek na si Rolando Soriano Dinco na ngayon ay tugis at sinampahan na ng kaukulang kaso. Ayon kay Chris Sanji, provincial information officer, napaiyak ang nabanggit na gobernador sa flag ceremony matapos na malaman ang insidente. Sinisilip ng mga imbestigador na selosan sa trabaho ang nagtulak para paslangin ng suspek ang biktima. Nagawa pang itanggi ni De Leon na security escort nga ni Gov. Lazaro si Villagracia, subalit inamin ni Sanji na matapat na alalay nga ni Governor Lazaro ang biktima.
(Arnell Ozaeta at Joy Cantos) Inakalang kawatan, tinedyer dinedo |
ORANI, Bataan Hindi nakapalag sa karit ni kamatayan ang isang 18-anyos na lalaki habang kritikal naman ang ama nito makaraang pagsasaksakin ng kanilang kapitbahay dahil sa akusasyong magnanakaw ng kabayo sa naganap na karahasan kahapon ng umaga sa Barangay Pag-asa, Orani, Bataan. Si Mark Dennis Postilos ay hindi na umabot ng buhay sa ospital, samantalang malubha naman dahil sa saksak sa kili-kili ang magsasakang 49-anyos na ama na si Edmond Postilos. Tugis ng pulisya ang suspek na si Alfredo Brasas. Sa ulat na isinumite kay P/Insp. Antonio Apan, papauwi ang mag-ama nang makasalubong ang suspek. Kinompronta at inakusahan ng suspek ang mag-ama na nagnakaw ng kanyang kabayo, subalit pinabulaanan naman ng mga biktima hanggang sa mauwi sa pananaksak.
(Jonie Capalaran)