Si Wilfredo Tabag ng Partido ng Demokratikong Pilipino-Laban (PDP-Laban) na iprinoklama ng Comelec noong Biyernes (July 14) ay pormal nang umupo kahapon bilang bagong mayor at kinilalang panalo noong nakalipas na halalan laban sa kanyang katunggali na si Mayor Raymond Espidol.
Ang eleksyon protest na nauwi sa muling pagbilang ng mga balota ay inihain ng kampo ni Tabag matapos akusahan ang grupo ni Espidol na nandaya noong 2004 eleksyon.
Batay sa resulta ng re-canvassing ng mga Election Returns, lumalabas na si Tabag ay nakakuha ng 8,228 boto laban kay Espidol na may 6,916 habang si Renato Vizcarra, ang ikatlong kandidato sa pagka-mayor ay may kabuuang 2,275 boto.
Nauna rito, ay nanungkulan bilang Mayor si Espidol matapos iproklama noong 2004 eleksyon batay sa nakuhang 8,647 boto laban kay Tabag na may 6,635.
Subalit pinawalang bisa ang panalo ni Espidol noong 2005 kung kayat bumaba ito sa puwesto nitong Pebrero 2006 matapos maghain ng protesta ang grupo ni Tabag sa Comelec hanggang sa magpasya ang Supreme Court na ipabilang muli ang mga balota na agad namang ipinatupad ng Comelec.
Sa kabila ng nakaambang protesta ng kampo ni Espidol ay tuluyang iprinoklama ni Santiago City Election Officer Anthony Jerbee Cortez, si Tabag bilang panalo at bagong alkalde ng bayang nabanggit. (Victor Martin)