Kinilala ng pulisya ang biktima na si Danilo Matias y Padolina, alyas "Daning Manok," may-asawa ng Barangay San Juan, Cabanatuan City.
Ayon sa pulisya, unang natagpuan ang ulong pugot ni Matias na nakasabit sa gate ng dating Eduardo L. Joson Colleges sa harap ng Freedom Park, samantalang ang katawan nito ay nadiskubre ng mga magsasaka sa liblib na bahaging sakop ng Purok Mampulog, Barangay Bitas ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), sariwa pa ang dugo sa ulo ng biktima, palatandaang kahapon ng madaling-araw isinagawa ang brutal na pamamaslang.
Sinabi naman ni SPO4 Rey Pascua ng Criminal Investigation and Detection Group-Nueva Ecija, kalalabas lang sa kulungan ni Matias noong Huwebes, Hulyo 6 sa kasong pagnanakaw na may criminal case no. 13820, na kanilang nasakote noong Biyernes, Hunyo 30.
Napag-alamang hiniling ni Matias sa pulisya na pansamantalang manatili sa kulungan dahil may nagbabanta sa kanyang buhay kapag nakalaya.
Subalit noong Huwebes, Hulyo 6, nagbayad ng piyansa ang manugang ni Matias kaya siya nakalaya hanggang sa maganap ang krimen.
Natagpuan sa tabi ng ulo at katawan ni Matias ang karatulang may nakasulat na, "huwag tularan, magnanakaw!"
Sinabi ng pulisya na notoryus si Matias sa nakawan sa palengke dahil 12-anyos pa lang ito ay nagnanakaw na ng mga sasabunging manok, bagay na pinagkunan ng kanyang alyas. (Christian Ryan Sta. Ana)