Si Army Major Roberto Manlapat, tubong Arayat, Pampanga, at disbursing officer ng 7th Infantry (Kaugnay) Division dito, ay bibigyang-parangal sana ngayong araw matapos na isauli nito sa Land Bank of the Philippines (LBP) ang sobrang P300,000 na winidraw nito sa naturang bangko.
Ayon kay Capt. Wilfredo Martin, pinuno ng 7ID Information office, ang pamilya na lamang ni Maj. Manlapat ang tatanggap ng parangal sa kanya matapos na mamamatay ito noong June 11 habang ginagamot sa Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center sa Cabanatuan City.
Nabatid na naaksidente sa kanyang minamanehong motorsiklo ang opisyal ng military noong June 4, 2006 at dahil sa matitinding tinamong pinsala sa katawan ay nanatili sa pagamutan hanggang sa bawian ng buhay.
Nabatid ng PSN na kasamang nag-withdraw ni Maj. Manlapat si TSgt. Danilo Morga sa LBP, Gabaldon St., Cabanatuan City Branch bago magtanghali noong Mayo 19, 2006. Nabatid na P17-million ang kanilang inilabas na pera para sa buwanang suweldo at mid-year bonus ng 7ID men and officers.
Nang makauwi sa kampo ay agad nilang binilang ang pera at nabatid na sumobra ng P300,000 ang ibinigay sa kanila ng teller ng bangko. Dahil dito, hindi nagdalawang-isip si Manlapat na isauli ang pera sa bangko at agad na tinawagan si Mernilo Ocampo, LBP branch manager.
Nang hapon ding iyon ay ibinalik ni Manlapat ang sumobrang pera nang walang panghihinayang at sinabi na hindi sa akin, iyan"
Nabatid na sumali sa Army si Manlapat noong 1974, at naging second lieutenant noong 1983. Sa isang lingo ay nakatakda na sana ang interview sa kanya for promotion to lieutenant colonel. Si Manlapat ay dati ring naging finance officer sa Camp Aguinaldo sa loob ng 6 na taon bago napunta sa kampo rito. (Christian Ryan Sta. Ana)