Ang bunga nito na parang pahabang kamote ay maaaring kainin ng hilaw tulad ng singkamas ilang araw matapos anihin, ang dahon naman ay maaring patuyuin at tadtarin para gawing natural tea.
Ang ibang bahagi ng yacon ay maaring gawing noodles, syrup na palaman sa tinapay, juice na mainam sa mga bata dahil sa taglay na natural nitong tamis, pickles at powder para sa capsule.
Lumilitaw din sa pag-aaral na ang yacon na itinanim sa Nueva Vizcaya, ang may pinakamatamis na produksyon dahil sa perpekto ang klima rito kumpara sa ibang bansa.
Sa kasalukuyan ay naging pangunahing produkto na ang yacon sa mga magsasaka sa Nueva Vizcaya lalo na sa mga bayan ng Dupax del Norte, Dupax del Sur, Kasibu, Kayapa, Ambaguio at Santa Fe kung saan nakabase ang Nueva Vizcaya Yacon Processing and Trading Center.
Ang presyo ng yacon sa Nueva Vizcaya ay umaabot sa P30.00 kada kilo depende sa laki ng mga bunga, subalit sa Metro Manila ay aabot sa P120.00 kada kilo.
Idinagdag pa ni Padilla na ang mga negosyante sa ibat ibang lugar sa bansa ay dumarayo na sa Nueva Vizcaya upang umangkat ng yacon kabilang na rito ang isang grupo ng Japanese trader.
Ayon naman kay Dr. Antonio Parong ng Nueva Vizcaya provincial health office, bagamat marami na ang sumubok sa bisa ng yacon, kinakailangan pa rin itong sumailalim sa mas masusing pag-aaral. (Victor P. Martin)