Kinilala ni P/Senior Inspector Dionpe Español, police chief sa bayan ng Alegria ang mga biktimang sina Cirila Bustamante, 48 at ang anim na buwang gulang na apo nitong si Paul Ace Bustamante.
Ayon kay Español, nagsimula ang apoy mula sa kisame ng bahay ng pamilya Bustamante sa Sitio Sangit dakong alas-2:30 ng madaling-araw habang ang maglola ay magkatabing natutulog.
Mabilis namang nagresponde ang mga bumbero mula sa kanugnog na bayan ng Badian dahil walang fire truck ang bayan ng Alegria at napigilan na kumalat ang apoy sa mga katabi nitong kabahayan kabilang ang isang bodega na kinalalagyan ng mga tangke ng liquified petroleum gas (LPG).
Bandang alas-3:30 ng madaling-araw nang maapula ang apoy at ilang oras pa ay narekober ang natustang bangkay ng maglola.
Nabatid na ang natustang bangkay ng sanggol ay narekober sa may bintana kaya naman pinaniniwalaan na tinangka ng matanda na ihagis ang kaniyang apo mula sa bintana, subalit hindi niya ito nagawa dahil sa rehas na bakal ng bintana.
Pinaniniwalaan namang short circuit ang sanhi ng sunog habang patuloy ang masusing imbestigasyon. (Joy Cantos)