Ito ang isiniwalat kahapon ni Major General Jovito Palparan ng 7th Infantry Battalion ng Philippine Army sa mga mamamahayag na dumalo sa round-table discussion sa Malolos City, Bulacan.
Sa intelligence report na isinumite kay Gen. Palparan, umaabot sa P43-milyon kada taon ang nakukulimbat ng mga rebelde sa mga kumpanyang nagmimina ng iron ore sa Bulacan.
Ang iba pang bahagi ng kabuuang P120-milyong koleksyon bilang revolutionary tax ay nagmumula sa mga minahan ng marmol at semento sa nabanggit na lalawigan.
Subalit, pansamantalang hindi inilahad ni Palparan ang mga pangalan ng kumpanyang nagbibigay ng revolutionary tax sa mga maka-Kaliwang Kilusan.
Ang mga halaga ng salaping nabanggit ay sapat na upang suportahan ang isang grupo ng mga rebelde na magsasagawa ng panggugulo sa nasabing lalawigan, ayon pa kay Palparan.
Sinabi rin ni Palparan na ang pamamaraan ng extortion ng mga rebelde ay pinadadaan na ngayon sa mga bangko dahil ginagamitan na ito ng automated teller machines o ATM cards.
Gayon pa man, sinabi ni Palparan na nabawasan na nila ng 50 porsyento ang pangingikil ng mga rebelde sa Bulacan sa pamamagitan ng walang tigil na kampanya laban sa mga rebelde na naging dahilan nang pagsuko ng mga dating rebelde at pagbabalik-loob sa pamahalaan ng mga supporter.(Dino Balabo)