Ayon kay Dr. Felipe Bartolome, hepe ng provincial veterinary office (PVO) ng Bulacan, ang misteryosong virus na tinawag na porcine epidemic diarrhea (PED) ay na-monitor sa bayan ng Guiguinto at unang natuklasan sa bayan ng Pandi hanggang kumalat sa mga bayan ng Sta. Maria, Baliuag, Pulilan, Marilao at Lungsod ng San Jose del Monte.
Napag-alamang ang misteryosong virus ay kumakapit sa mga bagong silang na biik, kayat nagtatae sa loob ng lima hanggang pitong araw bago mamatay.
Dahil naman sa kawalan ng bakuna, ipinayo ni Dr. Bartolome ang istriktong pagpapatupad ng bio-security measures sa mga babuyan sa Bulacan.
Sa panig ng mga may-ari ng babuyan, maaring maramdaman ang epekto ng misteryosong virus sa industriya sa huling bahagi ng taon dahil maaaring kapusin ng karne sa Metro Manila.
Ayon kay Dr. Hayashi Carillo, isang opisyal ng provincial agriculture office, umaabot sa 3,000 baboy ang isinu-supply ng Bulacan araw-araw sa Metro Manila.
"Kung hindi mapipigilan ang virus ay maaaring kapusin ng karneng baboy sa Maynila sa mga susunod na buwan," dagdag pa ni Carillo sa naunang pakikipanayam ng PSN.
Hanggang ngayon ay hindi pa lumalabas ang resulta ng pagsusuri ng Bureau of Animal Industry (BAI) sa misteryosong virus, samantalang sinabi pa ni Dr. Bartolome na hindi naman grabe ang epekto ng virus sa mga babuyan sa Bulacan.