PUJ hulog sa bangin: 1 patay,11 grabe
May 26, 2006 | 12:00am
CAMP CRAME Walang masisilayang school principal sa bayan ng Luba ang mga mag-aaral sa darating na pasukan makaraang nasawi ito habang 11 pa ang grabeng nasugatan sa pagbulusok ng pampasaherong dyipni sa malalim na bangin sa bayang nabanggit sa Abra, kamakalawa. Kinilala ng pulisya ang nasawing punong-guro na si Elena Mendiola, 57, ng Luzong, Luba, Abra. Kabilang naman sa mga malubhang kalagayan na ginagamot sa Abra Provincial Hospital ay sina Gemmar Bunagan, 28; Wendel Anselmo, 20; Pilipina Anselmo, Lolita Llanes, 51; Victoria Dumaguing, 54; Erickson Dumaging, Jakelyn Gamallawe, Dominador Cabebe Sr., Grace Cabebe, Fediles Belisario, at Ephrain Villaluz. Dakong alas-8:30 ng umaga nang mahulog sa bangin ang sasakyan patungo sa bayan ng Bangued, Abra na minamaneho ni Rodney Daogaoen matapos na mawalan ng kontrol sa manibela. (Joy Cantos)
CAMP CRAME Bulagta ang isang kabesa ng barangay matapos na ratratin ng mga nagpakilalang rebeldeng New Peoples Army sa isa na namang karahasan sa Barangay San Miguel, San Isidro, Davao del Sur, kamakalawa. Napuruhan sa katawan ang biktimang si Eduardo Sarmiento matapos na tambangan ng mga rebelde habang naglalakad sa bahagi ng Purok 6 ng nabanggit na barangay ganap na alas-6:30 ng gabi. Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng bala ng M16 rifle. (Joy Cantos)
CAMP CRAME Apat na miyembro ng isang sindikatong kriminal ang nasakote ng mga awtoridad makaraang makipagbarilan sa isinagawang operasyon sa Gubiangan Compound sa Barangay Gobgob, Tabuk, Kalinga, ayon sa ulat kahapon. Pormal na sinampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek na sina Noel Gubiangan, Roberto Lutao, Roberto Gubiangan at isang tinukoy lamang sa alyas "Darwin". Nagawa naman makatakas ng isa sa mga kasamahan ng mga suspek. Nasamsam sa mga suspek ang bandolier para sa M16 rifle, granada, telescope, vest at sari-saring uri ng bala. (Joy Cantos)
CAVITE Dahil lamang sa kakarampot na halagang pagkain ng baboy ay nagawang pagbabarilin at mapatay ang isang 63-anyos na trader ng nakaalitang security guard sa Sitio Kanluran, Brgy. Bacao, General Trias, Cavite kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang biktimang tinamaan ng bala sa kaliwang dibdib na si Paulito Estano, samantalang tugis ng pulisya ang suspek na si Fernando Torres, 54, ng Brgy Santol, Tanza Cavite. Sa nakalap na impormasyon ni PO2 Jojit Dela Roca Ramos, inalok ng pagkain sa baboy ang biktimang may babuyan, subalit hindi nagkasundo sa presyo ng suspek hanggang sa magkainitan ang dalawa. (Cristina Timbang at Lolit Yamsuan)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest