2 timbog sa pekeng P1,000

KAMPO SIMEON OLA , Legazpi City – Dalawa katao ang inaresto ng mga awtoridad matapos na maaktuhang bumibili sa isang tindahan gamit ang dalawang pekeng tig-P1,000 sa Poblacion Pili, Camarines Sur, iniulat kahapon. Nakilala ang dalawang suspek na sina Ramon Misa, 51, may-asawa at Rometh Larubis, 17, binata, pawang mga residente ng Barangay Labangan, Cebu City.

Ayon kay SPO3 Pedro Navales, may hawak ng kaso, dakong alas-8:00 ng umaga nang bumili ang dalawang suspek sa isang tindahan ng mga kagamitan at pagkain habang sa kasagsagan ng bagyong nang mapansin ng tindera na pareho ang serial number ng pera. Kaagad na kinausap ng tindera ang kanyang amo na siyang mabilis na tumawag ng pulis sanhi ng pagkahuli ng mga suspek na nasampahan na ng kaukulang kaso. (Ed Casulla)

Show comments