Sa nakalap na impormasyon ng PSN, naganap ang insidente sa bahagi ang Olongapo City Mall sa Magsaysay Avenue matapos na masabat nina Noel Cajucom at Benjie Alvarez, kapwa special agent ng Bureau of Customs, ang dalawang van na ipinuslit palabas ng Subic Freeport.
Napag-alamang bago nasabat ang dalawang Hyundai van mula sa yarda ng K&J sa Subic Freeport, nakatanggap ng impormasyon ang dalawang Customs police na ipupuslit ang nabanggit na sasakyan kaya sinubaybayan nila ang galaw ng operasyon hanggang sa masabat.
Agad namang nagpakilala sa dalawang Custom police ang drayber ng van (CTW-185) na si Cris Dauz na pamangkin umano ni Gen, Calimlim at kasabay nito ay kinontak sa celfone ang ilang protector ng smuggling, ayon pa sa source.
Ilang minuto ang nakalipas ay dumating ang dalawang sasakyan ng anti-smuggling task force at Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na pawang mga naka-full battle gear at pinalibutan kaagad sina Cajucom at Alvarez.
Walang nagawa ang dalawang Customs police kundi ibigay na lamang ang isang van na minamaneho ni Dauz, subalit nabigo namang makuha ang isa pang Hyundai van dahil nailagay na ito sa bodega ng Customs.
Base sa record ng LTO-Subic, ang nabanggit na plaka ng sasakyan na minaneho ni Dauz ay nakarehistro sa Tajima International Ventures Corp. na isang locator sa Freeport Zone na pinaniniwalaang hindi nagbayad ng kaukulang buwis na P.5 milyon.
Taliwas sa mga binitawang pahayag ng mga opisyal ng SBMA na ang Freeport Zone ay malinis sa anumang smuggling activities. (Jeff Tombado)