Parak nilikida sa lugawan
May 5, 2006 | 12:00am
SAN MATEO, Rizal Naging palaisipan sa mga awtoridad ang pagkakapaslang sa isang 28-anyos na pulis matapos na barilin sa ulo ng isa sa dalawang lalaki ay tinangay pa ang bangkay nito sa naganap na karahasan sa Barangay Ampid, San Mateo, Rizal noong Martes (Mayo 2). Kinilala ng pulisya ang biktimang si PO1 Billy Bartolome ng Sunnyville 4 ng nabanggit na barangay at nakatalaga sa Camp Crame. Ayon kay PO3 Rolando Sta. Isabel, kumakain ng lugaw sa isang karinderya ang biktima nang huminto ang isang kotse na walang plaka. Napag-alamang nanlaban ang biktima kaya binaril ng isa sa dalawang lalaki saka binitbit ang duguang katawan ng pulis sa loob ng kotse. Kasalukuyang inaalam ng pulisya kung bakit binitbit ng mga killer ang bangkay ng biktima. (Edwin Balasa)
SAN ANTONIO, Quezon Nabasag ang bungo, nagkasugat-sugat ang buong katawan at namatay noon din ang isang 56-anyos na mekaniko matapos na mabangga ng motorsiklo habang ang biktima ay nagbibisikleta sa kahabaan ng Maharlika Highway na sakop ng Barangay Poblacion ng bayang ito, kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang biktima na si Monico Gutierrez Y Dimaculangan ng Barangay Sampaguita, samantalang tugis ng pulisya ang tumakas na drayber ng motorsiklo na si Arlon Matanguihan, 19, ng Barangay Bulihan. (Tony Sandoval)
CAMP CRAME Isang notoryus na tulak ng shabu ang iniulat na napatay matapos na makipagbarilan sa mga tauhan ng Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang buy-bust operation sa bahagi ng Davao City, kamakalawa ng madaling-araw. Idneklarang patay sa Davao City Sanitarium Hospital si Julius Gonzaga na nakumpiskahan ng isang paltik na baril, sachet ng shabu at mark money na ginamit sa buy-bust operation. Posibleng may mga kasabwat pa si Gonzaga sa pagtutulak ng shabu at ngayon ay patuloy na sinisiyasat. (Joy Cantos)
STA. ROSA, Nueva Ecija Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 43-anyos na tauhan ng pulisya ng dalawang maskaradong lalaki habang ang biktima ay nasa harapan ng sabungang sakop ng Barangay Soledad ng bayang nabanggit noong Miyerkules ng hapon. Kinilala ng pulisya ang biktima na si SPO1 Noel Marzan y Crisostomo ng Special Operations Group sa NEPPO. Tinamaan din ng ligaw na bala ng baril ang gatekeeper ng sabungan na si Felix Marquez, 66. Ayon kay P/Senior Supt. Alex Paul Monteagudo, police provincial director, nagsasagawa ng follow-up operation ang biktima nang matiyempuhan ni kamatayan. Matapos isagawa ang krimen ay agad na tumakas ng mga killer sakay ng kulay pulang kotse (HRD 287) patungo sa bahagi ng Penaranda. (Christian Ryan Sta. Ana)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended


















