Personal na pinangunahan nina Olongapo Vice Mayor Paulino at ni Councilor Atty. Noel Atienza, ang feeding program sa mga kabataan na layuning makatulong kahit pagpapakain lamang sa darating na Semana Santa.
Ayon kay Paulino, ang mga Barangay Kalaklan, Gordon Heights, Balic-Balic at Sta. Rita ang ilang mga depressed area sa nabanggit na lungsod kung saan napag-alamang kulang sa sapat na pagkain ang mga kabataan kung kayat binuo nila ang feeding program na kahit kaunti ay maibsan ang kulo ng kanilang tiyan.
Napag-alaman pa na ilan sa mga magulang ay walang trabaho o kaya naman mga basurero at may ilan din na taga-kolekta ng basura sa Environment Sanitary Management Office (ESMO).
Inamin ni Paulino na minsan ay nahihirapan din sila sa mga inilulunsad na programa dahil walang pondo ang inilaan sa opisina ng vice mayor at iginiit na kulang sa suporta mula sa lokal na pamahalaang lungsod kung kayat sa sarili nilang bulsa nanggagaling ang pondo na pambili ng mga pagkain.
Idinagdag pa ni Paulino na bahagi rin ng kanyang programa ang isabay bilang kanilang panata sa Semana Santa. (Jeff Tombado)