Kinilala ni P/Chief Insp. Jimmy Agtarap, ang dalawang gunmen na napatay na sina PO1 James Lu ng Barangay Nancayasan, Urdaneta City, nakatalaga sa Camp Crame at PO2 Ronaldo Esteban, 34, ng Barangay Warding, Bayambang, Villasis at naka-assigned sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Bautista.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na magkaangkas sa motorsiklo ang dalawang gunmen na pulis nang barilin ng isa sa dalawa ang kanilang kabarong si SPO1 Rufo Dalisay na nagmamaneho ng owner-type jeep na may sakay na dalawang sibilyan.
Ayon sa ulat, tinamaan sa kanang braso si Dalisay, subalit nagawang makapagmaneho hanggang sa maispatan nito sa side mirror ang dalawang gunmen na sakay ng motorsiklo at nagawang sagiin.
Nawalan nang kontrol ang motorsiklo na naging dahilan kaya nagpagiwang-gewang ang sasakyan hanggang sa masalpok nang kasalubong na trak na minamaneho ni Eddie Gramahe ng Barangay Maningding, Sta. Barbara.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang baril at ilang magazine na nakasukbit pa sa baywang ng mga gunmen na pulis. Ayon pa sa ulat, ang dalawang suspek na gunmen na kinalawit ni kamatayan ay pinaniniwalaang binayarang patayin si SPO1 Dalisay, subalit patuloy na nangangalap ng impormasyon para matukoy ang motibo ng krimen. (Eva Visperas)