Negosyanteng lolo tinodas
March 28, 2006 | 12:00am
KAMPO SIMEON OLA, Legazpi City Isang 82-anyos na negosyanteng lolo ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng nag-iisang magnanakaw makaraang looban ang biktima sa Purok 4, Barangay Muladbucad Pequeno, Guinobatan, Albay kamakalawa ng gabi. Kinilala ng pulisya ang nasawing biktimang biyudo na si Jaime Mar Sr. Ayon sa pulisya, ang biktima ay naghahanda ng hapunan nang pasukin sa kanyang bahay ng hindi kilalang magnanakaw dakong alas-7:30 ng gabi. Matapos na malimas ang P20,000 mula sa drawer at dahil sa ingay na likha ng suspek ay tinungo ng biktima upang usisain, subalit sinalubong siya ni kamatayan, ayon pa sa ulat ng pulisya. (Ed Casulla)
ALBAY Dalawang kalalakihan na nangunguha ng buhangin sa gilid ng ilog ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng dalawang sekyu sa naganap na karahasan sa Barangay Kilicao, Daraga, Albay, kahapon ng umaga. Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Ryan Tolero, 20; at Ariel Azares, 18, kapwa naninirahan sa Barangay Binitayan. Sugatan naman si Teody Campana na kasamahan ng dalawang napatay. Tugis ng pulisya ang tumakas na mga suspek na sina Jerry Millabas ng Pilar, Sorsogon at Wilfredo Nicoleta ng Barangay Cabangan, Camalig, Albay at kapwa sekyu ng PROBERS na nakatalaga sa Isarog Pulp and Paper Co. Ayon sa pulisya, nangunguha ng buhangin ang mga biktima nang sitahin ng mga suspek at nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa maganap ang krimen. (Ed Casulla)
KAMPO HEN. ALEJO SANTOS, Bulacan Dalawang kalalakihan na pinaniniwalaang magnanakaw ng baka ang dinakip ng mga tauhan ng pulisya sa isinagawang operasyon sa bayan ng San Rafael, Bulacan noong Sabado, ayon sa ulat kahapon. Pormal na sasampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek na sina Rolly Asor y Villana, 35, ng Barangay Diliman 1st, at Christopher Aycardo y Sta. Ana, 25, ng Barangay Maronquillo. Sa ulat ng pulisya, ang dalawang suspek ay nakumpiskahan ng isang baka na pag-aari ni Alexander Valiroso, 26, ng Barangay Talacsan na nagreklamo sa himpilan ng pulisya. Nakunan din ng baril na walang papeles ang mga suspek. (Dino Balabo)
SAN JOSE CITY, Nueva Ecija Bumagsak sa kamay ng pulisya ang dalawang lalaki na pinaniniwalaang holdaper sa isinagawang follow-up operation sa Sta. Romana Subdivision, Barangay Abar 1st sa nabanggit na lungsod, kamakalawa ng gabi. Kasalukuyang naghihimas ng rehas na bakal ang mga suspek na sina Virgilio Menzero y Mercado, 33; at Sonny Ramirez y Valiente, 37, kapwa nakatira sa Barangay Tabacao, Talavera, Nueva Ecija. Ayon kay P/Supt. Antonio Adawag, hepe ng pulisya sa nasabing lungsod, tinangay ng mga suspek ang P 350,000 mula sa negosyanteng si Danilo Madarang ng Cordon, Isabela. Agad na isinagawa ang operasyon laban sa mga suspek at mabilis namang nadakip matapos na holdapin ang biktima. (Christian Ryan Sta. Ana)
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest