Ayon kay Dr.Luisa Jaurige, municipal health officer ng Malvar, isinugod sa ibat ibang ospital sa Lipa City ang mga empleyado ng dalawang fabrika na Deajan Apparel at Countryside Garments sa Barangay Sto. Cristo, Malvar, Batangas matapos makaranas ng pagkahilo, pagtatae, pananakit ng tiyan at pagsusuka.
Napag-alamang nagdaos ng 1st year anniversary ang Countryside Garments Factory kaya naghanda ng pagkain para sa kanilang mga empleyado na ang nangasiwa ay ang canteen concessionaire na pag-aari ni Nila Barranda.
Nagluto ng tatlong putahe ang nasabing canteen na kinabibilangan ng adobo, chopseuy at fried chicken.
Sa panayam ng PSN sa mga naging biktima, malaki ang paniniwala nila na ang kinain nilang fried chicken ang naging sanhi ng kanilang food poisoning.
"Medyo may amoy na ang fried chicken," pahayag ng isang biktima na tumagging magpakilala.
Sa nakalap na impormasyon ng PSN, aabot sa 48 kawani ang isinugod sa Metro Lipa Hospital, 33 naman sa Lipa Medix Hospital at 22 sa Mary Mediatrix Hospital ilang oras pa lamang nakakatapos kumain ng pananghalian ang mga biktima noong Sabado.
Wala namang namatay o naging nasa malubhang kalagayan sa mga empleyado na sumailalim lamang sa rehydration sa nabanggit na ospital.
Agad namang pinaimbestigahan ni Malvar Mayor Tita Reyes ang naganap na insidente at nangako sa mga nabiktima na walang mapapabayaan pagdating sa atensyong medical.
Nangako rin kay Mayor Tita Reyes, ang concessionaire ng factory canteen na hindi nito pababayaan ang mga naging biktima ng nasabing insidente. (Arnell Ozaeta)