Kinilala ni P/Supt. Arthur Felix Asis, hepe ng pulisya sa bayan ng Plaridel, ang biktimang si Crisanto "Santi" Teodoro, 45, chairman ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Malolos City at residente ng Maunlad Subd., Barangay Mojon, Malolos City, Bulacan.
Sa ulat ni Asis, nagmula sa palengke ng Plaridel, ang mag-asawang Crisanto at Lucila, lulan ng asul na Mitsubishi Lancer (UPS 789) bandang alas-8:15 ng gabi sa kalsadang nag-uugnay sa Plaridel at Malolos.
Pagsapit sa bahagi ng Barangay Santo Niño, Plaridel ay napansing ng mag-asawa na may sumusunod na dalawang motorsiklo na may tig-dalawang sakay na lalaki.
Napag-alamang nagpauna ang isang motorsiklo paglampas ng Plaridel-Malolos boundary, samantalang ang isa pang motorsiklo ay dumikit sa kotse ng mag-asawa.
Pinaputukan ng isa sa mga suspek si Teodoro at tinamaan ito sa kaliwang bahagi ng kanyang katawan, samantalang ang sakay ng isa pang motorksilko ay nagpaputok din mula sa unahan ng kotse at tinamaan sa kanang pisngi ang biktima.
Naagapan ng asawa ng biktima ang manibela ng kotse hanggang maitabi, subalit nakabundol din ito ng isang nakaparadang traysikel sa gilid ng kalsada.
Agad namang tinulungan ng ilang residente ng Barangay Barihan sa pangunguna ni Kapitan Alex Sapitan ang biktima na madala sa Bulacan Provincial Hospital, subalit binawian ng buhay habang ginagamot.
Base sa talaan ng pulisya, si Teodoro ay ika-10 biktima ng karahasan sa Bulacan, kabilang na sina Leodegario Punzal, Luis Cuaresma, Demerly Cruz Adriano ng Norzagaray; Alfredo Mañaol ng San Miguel; Celestino Illescas, Jess Alcantara, Rogelio Concepcion, at Armando Leabres. (Dino Balabo/Joy Cantos)