Kinilala ang mga biktimang nasawi na sina Danilo Cartedario, 39 at asawang Apolonia, 46, na apat na buwang buntis.
Nakaligtas naman ang anak na si Michael na siyang nagturo sa suspek na si Tomas Vargas na itinuturing na matinding kaaway ng pamilya Cartedario.
Sa testimonya ni Michael sa himpilan ng pulisya, si Vargas mismo ang rumatrat gamit ang Ingram submachine gun sa kaniyang mga magulang sa naganap na karahasan sa Sitio Lapa sa Barangay Mantalongon, Dalaguete dakong alas-9 ng umaga.
Napag-alamang bago maganap ang pamamaslang ay magkakaangkas sa motorsiklo ang tatlong biktima nang mapahinto matapos na mamataang may nakaharang na mga bato na nakatali sa magkabilang daan sa punong kahoy sa gitna ng kalsada ang kanilang daraanan.
Sinabi pa ni Michael, na inihinto niya ang motorsiklo upang tanggalin ang nakaharang na mga bato na nakatali ng lubid, kung saan ay nagsibaba rin sa motorsiklo ang kaniyang mga magulang upang magmasid sa kapaligiran.
Biglang sumulpot mula sa pinagtataguang masukal na bahagi ng highway ang suspek at agad na pinagbabaril ang mag-asawa na bagamat nagawang makatakbo ay hinabol pa saka muling pinagbabaril hanggang sa kapwa duguang bumulagta.
Nagawa namang makasakay ng motorsiklo at makatakas ni Michael kung saan pinuntirya rin siya ng pamamaril ni Vargas, subalit sumablay ang mga bala.
Lumilitaw pa sa imbestigasyon na ang ama ni Michael ay pangunahing saksi sa tangkang pagpatay na kinasasangkutan ng suspek na pinaniniwalaang isa sa motibo ng krimen. (Joy Cantos)