Relokasyon ng mga katutubo, tinutulan

ZAMBALES - Tinutulan ng libu-libong residente sa bayan ng Sta. Cruz, Zambales ang kagustuhan ng alkalde na mailipat sa kanilang bayan ang may 100 pamilya ng katutubong Badjao na kasalukuyang tumitira sa iba’t-ibang ilog na sakop ng Sitio Bangan.

Bunga nito, ay nagkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga residente at mga kagawad ng pulisya na inatasan ni Sta. Cruz Mayor Luisito Marty, upang pigilan ang pagtungo ng mga tao sa isinasagawang public hearing sa North Central Elementary School noong Huwebes ng hapon.

Agad namang nagpadala ng ilang tauhan ng pulisya at sundalo ng Phil. Army si Zambales 2nd District Congressman Antonio "Buenas" Diaz upang eskortan ang publiko na nais makinig sa isinagawang pagdinig.

Ang public hearing ay pinangunahan ng Haribon at Shelters, pawang mga non-government organizations (NGO’s) na nakabase sa Maynila na tumutulong sa mga residente ng Sta. Cruz, upang ilabas ang kanilang mga hinaing kay Marty na tumutuligsa sa relokasyon ng mga Badjao sa Barangay Malabago.

Dito ay inireklamo ng mga residente si Marty dahil sa hindi pagbibigay nito ng maayos na konsultasyon sa kanila, kaugnay sa binabalak na paglipat ng nasabing mga katutubo na pilit na inililihim sa kanila ng alkalde.

Karamihan sa 21, 000 populasyon ng nasabing munisipalidad ay umaasa lamang sa pagsasaka at pangingisda kung saan ito lamang ang pinagkukuhanan ng kanilang ikabubuhay at nangangambang mawalan sila ng pagkakakitaan kung sakaling maipatupad na ang nabanggit na proyekto. (Jeff Tombado)

Show comments