Kasalukuyang inoobserbahan sa Burn Room ng Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital sa Bacolod City ang mga biktima na sina Alejandro Tamuling Sr., 35 anyos; asawa nitong si Wilma, 24; anak na babaeng si Welyn ,13 at dalawang lalaki na sina Alejandro Jr., 4 at John Ray, 3-buwang sanggol.
Si Alejandro ay nagtamo ng grabeng sunog sa kanyang mukha, leeg at sa pribadong bahagi ng katawan.
Ang ginang ay nagtamo ng sunog sa paa; ang anak niyang si Welyn ay sa paa at kamay; si Alejandro Jr. at si John Ray ay nasunog naman ang kaliwang paa.
Batay sa ulat, bandang alas-4 ng madaling-araw nang masunog ang tahanan ng mag-asawa na matatagpuan sa Sitio Tabugon, Bantayan, Kabankalan City.
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na maagang ginising ng ginang ang inaantok pa nitong anak na dalagita na magluto ng sinaing.
Gayunman sa sobrang kaantukan ni Welyn ay naiwan nito ang kerosene lamp sa tabi ng isang galon ng gas na aksidente namang nagliyab hanggang sa tuluyang kumalat ang apoy at masunog ang kanilang buong kabahayan. (Joy Cantos)