Mag-asawang ‘estapador’ nadakma

OLONGAPO CITY – Nasakote ng mga operatiba ng Zambales Criminal Investigation and Detection Group (ZCIDG) ang mag-asawang matagal ng wanted sa kasong estafa sa bayan ng Iba, Zambales kamakalawa. Sa isinumiteng ulat ni P/Supt. Christopher Tambungan kay CIDG-regional director for Central Luzon P/Supt. Salvador Manga, kinilala ang mag-asawang suspek na sina Andres, 40 at Lina Bausa, 38, ng Phase 2, Purok 16, New Taugtog, Resettlement Site, Iba, Zambales. Ayon kay Tambungan, ang modus operandi ng mag-asawang Bausa ay maglako sa pamamagitan ng pahulugang kagamitang-bahay. Humihingi ng halagang paunang bayad ang mga suspek sa mga biktima at kapag nakumbinsing nakapagbigay ay hindi na magpapakita pa. Kasalukuyang nakapiit sa Camp Conrado Yap sa bayan ng Iba, Zambales ang mag-asawang suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso. (Jeff Tombado at Alex Galang)

Show comments