Vice mayor inambus, patay

CAMP CRAME –Tatlo-katao kabilang ang isang vice mayor ang kumpirmadong napaslang, samantalang dalawa pa ang malubhang nasugatan makaraang tambangan ng mga armadong kalalakihan ang convoy ng mga lokal na opisyal ng Dinas, Zamboanga del Sur sa bahagi ng Sitio Butiti-an, Sambolawan, kamakalawa ng gabi.

Kabilang sa mga nasawing biktima ay sina Dinas Vice Mayor Mujahid Andi, escort na si PO1 Edgar Sumamban at Estelita Ponce, empleyado ng munisipyo.

Nakaligtas naman sa pananambang si Dinas Mayor Remulta Anoy, habang nasugatan ang dalawa nitong kasama na sina Zaldy Campones at Sheila Domingo na ngayon ay ginagamot sa Pagadian City Provincial Hospital.

Napag-alamang hinarangan ng mga armadong kalalakihan sa pamumuno ni Camel Lao, alyas Commander Ruben ng poste ng kuryente ang daan para mapilitan ang behikulo ng mga biktima na huminto.

Pagtapat sa nasabing bisinidad ay umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril na ikinasawi ng mga biktima.

Nabatid na ang mga opisyal kasama ang ilang empleyado ng munisipyo at kanilang mga escorts ay dumalo sa fellowship night sa Pitogo, Zamboanga del Sur at magkahiwalay na lumulan ng behikulo para umuwi.

Si Mayor Anoy ay sumakay sa Pajero service jeep kasama ang kaniyang mga escort na sina PO1 Dagandang Sumamban at Elmer Ibanez Jr. habang ang nasabing vice mayor ay sa Isuzu pickup kasama naman ang mga escort nitong sina SPO1 Ireneo Bualay at PO1 Erlesade Albios, gayundin sina Sangguniang Bayan member Virgilio del Socorro at Guillerma Cagas.

Lumilitaw naman sa pangunahing imbestigasyon na clan war ang motibo sa naganap na pananambang kay Vice Mayor Andi dahil kamag-anak ito ng yumaong si dating Dinas Vice Mayor Abdulbashi Salicula, mula sa angkan ng mga Maulana na kaaway namang mortal ng angkan ng mga Lao.

Naglunsad na ng hot pursuit operations ang mga elemento ng Zamboanga del Sur Provincial Police Office laban sa mga nagsitakas na salarin. (Joy Cantos)

Show comments