Batay sa ulat kahapon, tinatayang 70 porsiyento ng pananim ang lubog sa tubig-baha lalo na ang nasa gilid ng mga malalaking ilog ng Isabela ay walang pag-asa pa na mapakinabangan.
Umabot na rin sa 17-bayan ang lubog sa tubig-baha, kasabay ang malaking volume ng tubig mula sa Magat Dam matapos itong pakawalan dahil na rin sa kritikal na kondisyon.
Ayon naman kay Isabela Provincial Administrator Theresa Arante, bagamat namo-monitor nila ang mga pinsala at patuloy na pagkawasak ng mga pananim ay hindi pa rin nila masasabing nasa state of calamity ang buong lalawigan.
Agad na nagpulung-pulong ang ibat ibang ahensya ng gobyerno sa pangunguna ng provincial government kabilang na ang pulisya, militar, Department of Health, National Disaster and Coordinating Council, Red Cross at iba pang pribadong sector sa nasabing lalawigan upang planuhin ang kaukulang tulong sa mga biktima ng tubig-baha.
Samantala, sa kasalukuyan ay apat na araw namang isolated ang mga bayan ng Jone at San Agustin sa Isabela matapos umapaw ang malakas na alon ng tubig sa ilog kung saan hindi na ito maaari pang daanan dahil sa kawalan ng tulay na nag-uugnay sa nasabing lansangan.
Patuloy naman na binabalaan ng lokal na pamahalaan ang mga residente lalo na sa malapit sa mga ilog na lumisan habang patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan sa buong rehiyon. (Victor Martin)