Driver tsinap-chop ng kainuman

CAVITE – Halos magkaputul-putol ang buong katawan ng isang 43-anyos na driver matapos itong pagtatagain ng itak sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan ng kanyang nakainuman matapos ng mainitang pagtatalo kamakalawa ng gabi sa Brgy. San Vicente 2, bayan ng Silang.

Kinilala ni P/Supt. Nestor Pastoral hepe ng pulisya sa bayang ito ang biktima na si Nolasco Garcia 43 anyos may asawa, driver residente ng Brgy. Biga ng bayang nabanggit.

Pinaghahanap na ng pulisya ang suspek na tumakas tangay ang ginamit na bolo matapos ang insidente na nakilalang si Abe Quincio alias Noy-Noy, binata, helper at residente ng ByPass Road ng bayan ding ito.

Batay sa isinagawang imbestigasyon ni PO1 Erwin Laureles, may hawak ng kaso, ganap na alas-6:30 ng gabi habang nag-iinuman ang biktima at suspek nang magkaroon ng hindi pagkakaintindihan sa kanilang tinatalakay sanhi upang mauwi sa pagpapalitan ng maanghang na salita.

Dito na napikon ang suspek at agad na kumuha ng bolo at walang habas na pinagtataga ang biktima.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek tangay ang ginamit na bolo

Sinubukan namang itakbo sa Estrella Hospital ang biktima subalit dahil sa dami ng tagang tinamo nito sa katawan ay idineklara ding patay ng mga manggagamot. (Cristina Go Timbang)

Show comments