Hindi na nakaligtas sa ikalawang pagkakataon ng pananambang ang biktima na nakilalang si SPO3 Freddie Calimlim, 44, naninirahan sa Barangay Sta. Barbara sa nasabing lugar at nakatalaga sa Zambales Provincial Police Office (ZPPO).
Ayon sa isinumiteng ulat ni Iba-PNP commander Sr. Insp. Remegio Magno kay Zambales Provincial Police Office (ZPPO) Director P/Sr. Supt. Edgardo T. Ladao, dakong alas-5 ng hapon nang maganap ang insidente habang ang biktima ay papalabas sa Ramon Magsaysay Technology University (RMTU) ng Iba, Zambales kung saan siya ay nag-aaral.
Pagsapit umano ng pulis sa labas ng gate ng school ay bigla na lamang sumulpot ang tatlong armadong kalalakihan na sinasabing "hit squad" ng rebeldeng RHB at walang sabi-sabing pinagbabaril ang biktima. Habang nakalugmok ang katawan nito ay nilapitan pa ng isang suspek at muling pinaputukan sa ulo.
Nagtamo ng anim na tama ng bala ng baril sa ibat ibang bahagi ng katawan ang biktima at ulo mula sa .45 pistolang ginamit ng mga suspek.
Matapos ang pamamaril, mabilis na nagsitakas ang mga suspek gamit ang isang Tamaraw FX na walang plaka patungo sa Govic highway sa nabanggit na bayan.
Napag-alaman sa ulat ng pulisya na magkasabay na nagpalabas ng isang outstanding special order ang "kangaroo court" ng rebeldeng RHB at Communist Party of the Philippines-New Peoples Army (CPP-NPA) sa itinakdang paglikida sa naturang pulis at ito na ang ikalawa at huling pagkakataon ng pananambang. Una rito ay noong nakalipas na taon. (Jeff Tombado)