Kaagad na nagpatawag ng emergency meeting si SBMA Chairman Commodore Feliciano "Fil" Salonga sa lahat ng kanyang opisyal kabilang na sina SBMA Administrator Armand Arrezza, ret. Cols. Erik Palabrica at Jaime Calunsag, hepe ng IIO at LED.
Napag-alamang natangayan ng malaking halaga ang treasury department sa ikalawang palapag ng administration building 229 kung saan ilang metro lamang ang layo ng opisina ng chief executive ng SBMA.
Kabilang sa sinibak sa tungkulin ay sina Palabrica at Calunsag na malapit na tauhan ni Anti-Smuggling Task Force (ASTF) chief ret. Lt. Gen. Jose Calimlim na magkasunod na ipinuwesto ng heneral bilang hepe ng IIO at LED noong Oktubre 15, 2004.
Sa ipinalabas na ulat ng SBMA, aabot sa P3-milyon at ibat ibang cheke na nakapaloob sa steel vault ng treasury department sa nasabing gusali ang nilimas ng hindi pa mabatid na mga suspek dakong alas-2 ng madaling-araw nitong Oktubre 31.
Nabatid sa isang empleyado ng SBMA Treasury Department na tumangging ihayag ang pangalan na kasama sa nilimas ng mga magnanakaw ang isang bara ng ginto na nagkakahalaga ng P1.9-milyon.
Binuweltahan ni Commodore Salonga ang ipinaiiral na seguridad ng Law Enforcement Department (LED) sa pamumuno ni Calunsag dahil sa kapabayaan kaya nalusutan ang seguridad sa gusali ng Bldg. 229 na pawang may mga close-circuit television na nakakabit sa lahat ng bahagi ng gusali at hindi pa kabilang dito ang limang security personnel ng LED na nakabantay sa front desk ng nabanggit na lugar.
Kasabay na isinailalim ni Salonga sa protective suspension sina SBMA Treasury Department Manager Michael Roma at lahat ng opisyales ng SBMA, kabilang si Calimlim na nagsilbing senior deputy administrator ng SBMA at Anti-Smuggling Task Force at Arrezza upang hindi mapaghinalaang kasabwat sa naganap na nakawan.
May paniniwala naman ng mga empleyado ng SBMA na inside job ang nakawan. (Jeff Tombado)