Diwalwal death toll: 68 na?

CAMP CRAME – Pinaniniwalaang umaabot na sa 50 minero ang nasawi matapos maunang marekober ang 18-bangkay sa sumabog at gumuhong minahan ng ginto sa Mt. Diwalwal, Compostella Valley, ayon sa ulat kahapon.

Sa pahayag ni Dr. Anthony Golez, deputy administrator ng Office of Civil Defense, patuloy ang isinasagawang search and retrieval operation sa mga biktima na tinatayang aabot sa 100 pang minero ang nakulong sa gumuhong minahan na pag-aari ng JB Mining and Management Corp noong Miyerkules.

Sinabi ni Golez na lima pa lamang sa 18 namatay na minero ang nakilalang sina Julio Galvez, Longkoy Miguel, Genesis Miguel, Jeoport Malubay at William Catigbi.

Ayon sa ulat, nailigtas naman ang siyam na minero mula sa gumuhong Licayen tunnel na nakilalang sina Dodong Mapara, Felix Tamplos, Rudy Piorno, Jun Gallardo, Rex Almidilla, Julius Urabia, Jun Arco, Tana Arno at Raul Abiado.

Kabilang naman sa 100 minero na nakulong sa tunnel na milagro na lamang ang makapagliligtas ng buhay ay nakilalang si Victor Condessa.

Nabatid pa na may karagdagan pang 10 trabahador sa minahan ang sugatang nailigtas at kasalukuyang ginagamot sa pinakamalapit na ospital na sakop ng nabanggit na bayan.

Base sa inisyal na imbestigasyon, lumitaw na bago gumuho ang tunnel sa minahan ay sumabog ang compressor na siyang nagsu-supply ng bentilasyon sa Sunshine Tunnel ng Mt. Diwalwal.

May posibilidad na lalong lumakas ang pagsabog matapos na madamay ang mga nakatagong malalakas na uri ng eksplosibo sa bunker na nakalagay sa nasabing tunnel kaya nagdulot ng malaking pinsala sa buhay ng mga minero.

Sa kasalukuyan ay nahihirapan naman ang rescue team na makapasok sa sentro ng tunnel dahil tumatangging pahintulutan ng may-ari ng minahan sa pangambang mawala ang mga bara ng ginto.

Iniimbestigahan naman ang posibleng anggulo ng pananabotahe sa naganap na insidente dahil sa sigalot sa pagitan ng mga may-ari ng small-scale mining industry.

Samantala, sinisi naman ni DENR Sec. Michael Defensor ang maliliit na kompanya ng minahan sa Mt. Diwalwal ang posibleng may kagagawan ng pagsabog sa nasabing tunnel. Nagbabala rin si Defensor na ang patuloy na pagmimina ng maliliit na kompanya ay maaaring magdulot ng kontaminasyon ng mercury at cynide sa water waste sa palibot ng Mt. Diwalwal. (Joy Cantos at may dagdag ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments