Suot ang kanyang puting kapa, korona at hawak ang scepter na simbulo ng kanyang pagiging Miss International, mistulang reyna si Precious habang bumababa ito sa escalator ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) patungo sa Presidential Lounge para sa isang press conference.
Marami naman ang nagtaasan ng kilay nang makitang si Manila Mayor Lito Atienza ang unang sumalubong sa beauty queen hawak ang isang plake. Si Quigaman ay tubong-Taguig kaya marami ang nagtataka kung bakit nandodoon si Atienza.
"Hinaluan ng pulitika ang pagdating ni Precious kasi balak palang tumakbong senador ni Atienza kaya gumigimik na ito habang maaga," anang isang empleyado sa MIAA.
Subalit ang maganda at masaya sanang pagbabalik ni Precious ay naging magulo nang pagbawalan ng ilang over-acting na miyembro ng Industrial Security Guards (ISG) ang mga reporters at photographers na makalapit upang kumuha ng litrato.
Itinulak, hinawi at hinila ng security cordon ng ISG ang ilang photographers at reporters na nagtangkang lumapit sa beauty queen. Halos ma-suffocate sa baho ng kili-kili si Precious nang paikutan siya at takpan ng ilang mahihilig sa photo ops na ISG habang papasok ito sa pintuan ng Presidential Lounge.
Pati si MIAA General Manager Alfonso Cusi ay hindi nakaligtas sa panunulak ng mga ISG, samantalang naipit naman ang kaliwang hintuturo ni MIAA Asst. General Manger Robert Uy nang biglang isara ng isang ISG ang pintuan ng Presidential Lounge.
Sinisisi ng media ang security coordinator sa pagdating ni Precious dahil halatang walang alam ang mga ito sa crowd control. (Butch Quejada)