Engkuwentro: Mag-asawa todas
KAMPO SIMEON OLA, Legazpi City Kumpirmadong napatay sa madugong engkuwentro ang mag-asawa na pinaniniwalaang rebelde makaraang magkasagupa ang tropa ng 91st Recon Company ng Phil. Army at grupo ng rebeldeng New Peoples Army (NPA) sa kagubatang sakop ng Barangay Buyo sa bayan ng Virac, Catanduanes, kahapon ng madaling-araw. Nakilala ang nasawing mag-asawa na sina Noel Magno aka Jorge Magno at Binay Magno. Samantala, sugatan naman si Sgt. Rodolfo Verma, team leader ng grupong 91st Recon Company na nakatalaga sa naturang lugar. Ayon kay Colonel Arsenio Arugay ng 901st Infantry Brigade, naitala ang bakbakan dakong alas-3 ng madaling-araw habang nagsasagawa nang follow-up operation ang militar sa dinukot at pinatay na pusher ng mga rebelde. Dito na nagsimulang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok hanggang sa umatras ang mga rebelde at iniwang nakabulagta ang mag-asawa. (Ulat ni Ed Casulla)
ATOK, Benguet Dalawang kawal ng Cordillera Peoples Liberation Army (CPLA) ang iniulat na dinakip matapos na maaktuhang nangongotong sa naaresto nilang illegal loggers sa isinagawang entrapment operation ng mga operatiba ng Regional Intelligence and Investigation Division ng Cordillera police noong Sabado. Kinilala ni Cordillera police director Chief Supt. Noe Wong, ang mga suspek na sina Godfrey Sherwin at Nestor Gundayen, kapwa na-deputized bilang forest rangers ng Department of Environment and Natural Resources Cordillera (DENR-COR) bilang katuwang sa pagpapatupad ng Anti-Illegal Logging Law. Ayon sa ulat, ang mga suspek ay inireklamo ng mga biktimang sina John Antonio Sucdad, 35 at Junjun Gonio, ng Barangay Topdac, Atok, Benguet. (Ulat ni Artemio Dumlao)