Ayon sa ulat ng Santiago Police station kay Gen. Jefferson Sariano, police regional director ng Cagayan Valley, nakilala ang biktimang si Carolina Garcia, 62, dating dean ng nursing department sa Lasalette University na nakabase rito at asawa ng isang kilalang doktor.
Nadakip naman ng ma awtoridad ang isang dalaga na nakilalang si Monette Castroverde, 24, nursing graduate at nagtatrabaho bilang sales agent ng mga sasakyan.
Ayon sa salaysay ni Dr. Garcia, asawa ng biktima, ang kanyang misis ay huling namataan na kasama ang suspek noong Agosto 20 upang ibenta ang kanilang sasakyang Isuzu Crosswind sa isang buyer. Mula noon ay hindi na nakabalik pa ang kanyang misis sa kanilang tahanan kaya agad na ipinagbigay-alam ang pagkawala nito sa pulisya.
Ayon kay Sr. Supt. Alexander Rafael, hepe ng regional mobile group na nakabase sa Tuguegarao City, agad siyang nakipag-ugnayan sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Traffic Management Group (TMG).
Nabatid pa na positibong naibenta na ng biktima ang nasabing sasakyan sa halagang P750,000 sa isang buyer.
Nitong Agosto 25 ng umaga nang mamataan ng mga pulis na nagsasagawa ng surveillance operation ang suspek na si Castroverde kung kayat agad itong sinundan sa kanyang hide-out.
Dakong alas-5:25 ng hapon nang matunton ng pulisya sa kanilang isinagawang follow-up operation ang kinaroroonan ng biktima sa loob ng isang kuwarto ng Deocitas Hotel sa lungsod na ito kasabay sa pagkahuli ng nag-iisang suspek na hindi na nakawala nang palibutan ng pinagsanib na puwersa ng RMG, RSOG at PNP Santiago.
Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon na kumpirmadong tinurukan ng gamot ang biktima kung kayat nanghihina at parang nawawala ito sa hustong pag-iisip at sunud-sunuran na lamang sa ipinag-uutos ng suspek.
Kahapon ay limang iba pa na naging biktima ng suspek ang nagtungo sa himpilan ng pulisya rito at positibo ring itinuro ang suspek.