4 ASG bulagta sa bakbakan

CAMP AGUINALDO – Apat na bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang napatay makaraang makasagupa ng tropa ng militar ang grupo ng ASG Chieftain Khadaffy Janjalani sa kagubatan ng Talayan, Maguindanao noong Lunes.

Ayon kay Army’s 6th Infantry Division (ID) Commander Major Gen. Agustin Dema-ala, dakong alas-11:35 ng umaga habang nagsasagawa ng ‘clearing operation’ ang tropa ng 1st Light Reaction Company sa pamumuno ni Capt. Carandang nang masabat ang grupo ni Janjalani kasama ang ilang teroristang Jemaah Islamiyah (JI) sa bisinidad ng Tamar.

Kasalukuyan namang beneberipika ng militar ang mga pangalan ng napatay na bandido.

Samantalang sumiklab rin ang sagupaan sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao bandang alas-6:14 ng gabi matapos na tangkain ng armadong grupo nina Janjalani na tumakas sa blocking force ng Army’s 66th Infantry Battalion (IB).

Hanggang kahapon, ayon kay Dema-ala ay patuloy na nagbabakbakan ang tropa ng militar at ng mga bandido kung saan dalawang M520 attack helicopters at dalawa ring Huey helicopter ang idinispatsa upang magsagawa ng ‘aerial support’.

Si Janjalani, may patong sa ulo na P10 milyon at karagdagang $1 milyon na inilaan ng Estados Unidos ay maraming beses nang nakatakas sa puwersa ng militar. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments