Ayon kay PNP Chief Director General Arturo Lomibao, ang nasabing suspek ay tinatayang may taas na 58, nasa 40-anyos at may katamtamang pangangatawan.
Isa ring testigo ang ngayoy hawak na ng binuong Task Force Cantoneros na inaasahang makatutulong upang malutas ang krimen.
Una rito, upang mawala ang hinala na magkakaroon ng whitewash sa kaso ay inalis sa puwesto ni Lomibao si Zamboanga del Norte Provincial Police Office (PPO) Director Supt. Jeufel Adriatico, pinuno ng binuong Task Force Cantoneros dahilan bayaw ito ni Gov. Rolando Yebes, isa sa mga target ng kritisismo ng pinaslang na brodkaster.
Samantalang tinanggal din si Supt. Tomas Hizon, hepe ng Dipolog City Police at miyembro ng Task Force upang bigyang daan ang imbestigasyon sa kaso ng pagpatay kay Cantoneros.
Ipinalit naman kay Adriatico si Sr. Supt. Julmunir Jubail ng Western Mindanao Regional Police Office.
Magugunita na si Cantoneros ay pinagbabaril ng mga hindi kilalang lalaki habang kalalabas lamang ng radio station at pauwi na sa Dipolog City noong Mayo 4, 2005. (Ulat ni Joy Cantos)