Aspiring actress, ni-rape kinatay ng pinsan

Antipolo City – Brutal ang sinapit na kamatayan ng isang 15 anyos na dalagitang nag-aambisyong mag-artista na ume-extra sa mga telebisyon soap opera makaraang gahasain na ay dalawampung beses pang pinagsasaksak ng lasing na pinsan sa Brgy. Sta. Cruz ng lungsod na ito kamakalawa ng gabi.

Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Unciano General Hospital sanhi ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Julie Ann Boyco, 3rd year high school student at kasalukuyang lumalabas sa maiikling role sa telebisyon.

Samantala, sugatan din at nilalapatan pa ng lunas sa Amang Rodriguez Hospital sa Marikina City sanhi ng dalawang saksak sa katawan ang suspek na si Renan Jacosalem, 26 anyos, nahaharap sa kasong rape with homicide at pinsang buo ng biktima. Ang magpinsan ay pawang residente ng # 36 Rome St., Victoria Ville Subdivision, Brgy. Sta Cruz ng lungsod na ito.

Ayon sa imbestigasyon ni SPO2 Vic Madamba, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi ng umuwing lasing ang suspek at armado ng patalim ay bigla na lamang hinatak ang biktima sa loob ng banyo at doon pinagsamantalahan.

Nabatid na habang ginagahasa ng suspek ang biktima ay naagaw nito ang patalim ng una kaya nagtamo ito ng dalawang saksak sa katawan bunsod upang magngitngit ang suspek at undayan ng sunud-sunod na saksak ang dalagita na nagawa pang makasigaw at humingi ng tulong.

Sa puntong ito ay naagaw muli ng suspek ang patalim sa biktima kaya pinagsasaksak ito ng 20 beses bago pa man dumating ang saklolo at masakote ito ng mga awtoridad. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments