Sa sampung-pahinang desisyon ng Supreme Court, kinatigan nito ang Sandiganbayan sa paghawak sa kasong acts of lasciviousness laban kay Cabanatuan City Municial Trial Court Judge Rogelio M. Esteban dahil sa panghahalik nito sa private respondent na si Ana May Simbajon.
Sa reklamo ni Simbajon, pinangakuan umano siya ni Esteban na irerekomenda bilang bookbinder kapalit ng isang "halik" araw-araw sa tuwing papasok ito sa opisina ng huli.
Bunga nitoy nagsampa ng dalawang impormasyon ng acts of lasciviousness si Simbajon laban kay Esteban sa Sandiganbayan, ngunit kinuwestiyon naman ng hukom ang hurisdiksiyon ng korte.
Sa nabanggit na desisyon ng Supreme Court sa ilalim ng Presidential Decree 1606 Section 4, ang Sandiganbayan ay mayroong kapangyarihan na hawak ang mga kaso kahit pa ito ay maituturing na simple o complex crime, kung ito ay kinasasangkutan ng mga opisyal at kawani ng gobyerno.
Nilinaw din ng SC na kahit pa man ang kasong acts of lasciviousness ay kasong malayo sa pagiging public official ni Esteban ay maituturing pa rin itong konektado sa kanyang posisyon bilang hukom.
Binigyang-diin ng SC na kung hindi dahil sa paghingi ni Simbajon ng pabor upang maging bookbinder, kapalit ang "isang halik" na hinihingi ni Esteban ay hindi rin magaganap ang naturang kaso.
Sa ilalim ng SC-Circular No. 7, mayroong kapangyarihan si Esteban na i-appoint si Simbajon bilang bookbinder.
Bunga nitoy maaaring isalang sa paglilitis si Esteban sa kasong acts of lasciviousness sa Sandiganbayan. (Ulat ni Grace dela Cruz)