1 patay , 4 grabe sa sumabog na trak

CAMP AGUINALDO – Isa-katao ang nasawi habang apat naman ang grabeng nasugatan kabilang ang misis ng isang dating bise alkalde makaraang hagisan ng granada ng di pa nakilalang lalaki ang truck na sinasakyan ng mga biktima sa naganap na karahasan sa Lanao del Norte kamakalawa.

Dead-on-the-spot sa insidente ang biktimang si Masit Alado, 55, may-asawa at residente ng bayan ng Sapad ng lalawigang ito.

Kinilala naman ang mga biktimang malubhang nasugatan sina Casan Marohum, 35, may-asawa; Raisalam Wanamparan, 40, asawa ng dating bise alkalde ng bayan ng Sapad; Alda Ampatuan, 40, at Abduali Ali, 21, pawang residente ng munisipalidad ng Sapad.

Masuwerte namang nakaligtas sa insidente ang security escort ng truck na nakilalang si SPO2 Jerry Valiao, kasapi ng Nonongan municipal police station.

Batay sa ulat, naganap ang insidente sa hangganan ng Nonongan at Sapad dakong alas-8 ng gabi.

Sa imbestigasyon, kasalukuyang bumabagtas sa lugar ang truck na kinalululanan ng mga biktima nang bigla itong hagisan ng granada.

Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang motibo ng krimen, gayundin ang ginawang pag-escort ng nasabing pulis sa truck na walang permiso sa kanyang superior. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments