Sinabi ni Phil. Army Chief Lt. Gen. Efren Abu, nagpalabas na ng direktiba ang AFP-Southcom kay 103rd Army Brigade Commander Col. Raymundo Ferrer na tugisin ang nalalabing Abu Sayyaf terrorist group na nasa lalawigan ng Basilan at lipulin ang mga bandido.
Base sa nakalap na impormasyon ng militar, ang tanging natitirang grupo ng mga bandido ay pinamumunuan ni Commander Amir Mingkong na may 20 armadong tauhan at umanoy mistulang mga dagang naglulungga sa Sumisip, Basilan.
Maliban kay Commander Mingkong , kabilang sa target ng tropa ng militar ay ang kanang kamay nitong at Sub-Commander ng ASG na si Suhud Salajain; pawang sangkot sa serye ng kidnapping sa Basilan.
Sinabi pa ni Ferrer na si Commander Mingkong ang kanilang pangunahing target alinsunod sa peace campaign sa lalawigan bukod pa sa apat na presong pumuga sa Basilan Provincial Jail sa Isabela City, Basilan sa madugong Black Saturday mass jailbreak na pinamunuan ni Commander Abu Black noong nakalipas na buwan ng Abril.
Naniniwala ang AFP na madarakip nila ang apat pang tumakas na kasapi ng bandido sa oras na matukoy nila ang pinagtataguan ng mga ito sa nasabing lalawigan. (Ulat ni Joy Cantos)