Bagamat nakaligtas sa pananambang ang biktimang si Eduardo Valida, radio commentator ng RMN na nakabase sa nasabing bayan ay namemeligro namang maputol ang kaliwa nitong braso na tinamaan ng bala.
Batay sa ulat, nabatid na dakong alas-4:45 ng madaling-araw habang papasok sa trabaho nang tambangan ang biktima ng di pa nakikilalang salarin malapit sa pinaglilingkuran nitong radio station sa Poblacion ng Malaybalay.
Inihayag naman ng pamunuan ng RMN na ligtas na sa kamatayan ang biktima, subalit mayroong posibilidad na maputol ang kanyang kaliwang braso dahil sa grabeng tama ng bala.
Sa kasalukuyan ay blangko pa rin ang mga awtoridad sa tunay na motibo ng nasabing krimen, subalit hindi inaalis ang posibilidad na maaaring isa sa mga anggulo ng krimen ay ang matinding komentaryo ni Valida sa kanyang programa na nakasagasa ng ilang maiimpluwensiyang personalidad sa nasabing lalawigan.
Si Valida ay pampitong kagawad ng media na nabiktima ng karahasan, apat nito ay nakaligtas at tatlo ang nasawi sa loob lamang ng dalawang linggo.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Roger Mariano, commentator ng MBC-dzBC na nakabase sa San Nicolas, Ilocos Norte; Arnnel Manalo, reporter ng Bulgar at radio dzRH noong Agosto 5, 2004 sa Bauan, Batangas at Jun Abayon ng RGMA Super Radyo na binaril at napatay naman ng bodyguard ni boxing champion Manny Pacquiao sa General Santos City noong nakalipas na Agosto 8.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Interior and Local Government Secretary Angelo Reyes na pag-iibayuhin pa ang pagtugis sa mga kriminal na sangkot sa pagpatay sa mga kagawad ng media.
Sinabi ni Reyes na mayroong hakbang na gagawin ang kanyang ahensiya tulad ng kanyang ginawa sa tanggapan ng National Anti-Kidnapping Task Force sa pagtugis sa mga kilabot na kidnapper para mapabilis ang paghuli sa mga salarin na nasa likod ng pagpaslang sa mga mamamahayag. (Ulat ni Joy Cantos)