Kinilala ang nasakoteng suspek na si Simeon Camplain Betir, gumagamit din ng pangalang Alejandro Tata Betir, 32-anyos at residente ng nasabing lungsod.
Sa ulat na tinanggap kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Hermogenes Ebdane Jr., ang suspek ay nasakote sa kanyang safehouse sa Sitio Hulganan, Brgy. Overland, Buenavista, Bohol bandang alas-10 ng umaga.
Ang suspek ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Benedicto Cobarde, Presiding Judge ng Lapu-Lapu City dahil sa kasong murder at frustrated murder.
Sa rekord ng pulisya, nabatid na ang suspek ay itinuturong bumaril at nakapatay sa isang Korean national na kinilalang si Jong Woo Lim noong Hunyo 28, 2003 sa Sitio Soong Dos, Mactan, Lapu-Lapu City.
Bukod sa pagpatay kay Lim si Betir din ang pangunahing suspek sa pagpaslang sa dalawa pang Koreano na sina Chu Yoon Sik at Kim Sue Shin noong Nobyembre 29, 2003 sa Brgy. Marigondon at Sub-Suba ng naturang lungsod.(Ulat ni Joy Cantos)