Sa ulat na tinanggap kahapon ni AFP Chief of Staff Gen. Narciso Abaya, kinilala ang nasagip na biktima na si Rowena Marijan, 2nd year high school na dinukot ng mga bandido noong Hunyo 25 at saka itinago sa kabundukan ng bayan ng Sumisip.
Nabatid na bandang alas-3 ng hapon habang ginagalugad ng mga sundalo ang bahagi ng kagubatang sakop ng Baiwas, matapos na makatanggap ng ulat na itinatago ang biktima.
Dahilan sa takot na malipol ng militar ay napilitan ang mga kidnaper na abandonahin ang biktima sa kanilang safehouse.
Kinilala naman ng biktima ang ilang kidnaper na sina: Hasim, alyas Sakasmer, Konori Lumbalan, alyas Missie at Hajim Barilu; pawang notoryus na kasapi ng kidnap-for-ransom (KFR) gang sa Basilan.
Gayunman, sinabi ni 103rd Army Brigade Commander Col. Rey Ferrer na kasalukuyan nilang bineberipika ang impormasyon na ang biktima ay dinukot ng boyfriend nito at kanyang mga barkada at dinala sa bayan ng Sumisip.
Nabatid kay Ferrer na nakatanggap sila ng impormasyon na nabigo umano ang boyfriend ng biktima na magbayad ng dowry sa pamilya nito kapalit ng pagpapakasal sa dalagita kaya binihag ang naturang teenager.
Sa kasalukuyan ay ipinag-utos na ni Ferrer ang pagtugis sa grupo ng mga kidnaper para masampahan ng kaukulang kasong kriminal. (Ulat ni Joy Cantos)