Bakuran ng regional officer ng DA pinasabog

CAMP CRAME – Niyanig ng malakas na pagsabog ang residential compound na pag-aari ng regional budget chief ng Department of Agriculture (DA) makaraang hagisan ng granada ng hindi kilalang lalaki na lumikha nang tensyon sa kalapit na residente sa Cotabato City kamakalawa ng madaling-araw.

Base sa mga imbestigador ng pulisya, bandang alas-3:30 ng madaling-araw nang pasabugin ang bakuran ni Hadji Osmeña Montañer, budget officer ng DA’s Central Mindanao regional office at residente sa Rosales Street ng nasabing lungsod.

Wala naman iniulat na nasawi o nasugatan, maliban sa dalawang sasakyan nakaparada sa loob ng compound ang nawasak dahil sa tama ng shrapnel ng granada, maging ang harapang pintuan ng bahay ay nawasak.

Sinisilip naman ng pulisya kung may kinalaman sa naganap na insidente sa trabaho ni Montañer bilang regional officer ng Department of Agriculture (DA) o kaya awayan ng pamilya laban sa maimpluwensyang angkan sa kanyang bayan sa Malabang, Lanao del Sur.

Kasunod nito, may naghagis naman ng granada sa bubong ng isa sa bahay ng residente na pinaniniwalaang pugad ng drug peddlers. Lumikha rin ng matinding tensyon ang pagsabog sa pag-aakalang inatake na sila ng mga rebelde. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments