Napuruhan ang mga biktimang sina Armando Lucido, 54, trader at driver nitong si Nestor Pamplona, 42, na kapwa residente ng Barangay Pantay Matanda.
Napag-alamang si Armando ay pinaniniwalaang isa sa mga tauhan ng gobernador ng Batangas.
Sa ulat na tinanggap kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Director General Hermogenes Ebdane Jr., dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang pananambang sa kahabaan ng tollway exit di kalayuan sa San Bernardo Village ng Brgy. Sambat, Tanuan City, Batangas.
Ayon sa imbestigasyon, ang mga biktima ay lulan ng kanilang L-300 van na may plakang CSV-756 nang mag-overtake ang isang Mitsubishi Lancer na may tampered government plate number SEE-561, subalit nadiskubreng peke ang plaka para iligaw ang mga awtoridad sa isasagawang imbestigasyon.
Nabatid na ang mga biktima ay patungo sa Tanauan City proper nang bigla na lamang ratratin ng mga suspek na pawang armado ng M16 rifles.
Inabandona naman ang ginamit na sasakyan ng mga armadong lalaki sa Barangay Darasa, Tanauan City.
Pinaniniwalaan namang ang insidente ay may kinalaman umano sa pagiging gambling lord ng biktima at nadamay lang ang driver nito.
Narekober ng mga nagrespondeng awtoridad sa pinangyarihan ng krimen ang 63 basyo ng bala. (Ulat nina Joy Cantos, Arnell Ozaeta at Ed Amoroso)