Ayon kay Atty. Gilberto Lauengco, City Administrator ng lungsod ng Antipolo, sasampahan nila ng mga kasong grave threat, alarm and scandal at indiscriminate firing ang suspek na si Bonifacio S. Lawas, 44, umanoy ahente ng PDEA at nagpakilalang bodyguard ni dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Ronaldo Puno, tumatakbo sa pagkakongresista ng 1st District ng lungsod ng Antipolo.
Nabatid na pasado alas-12 ng madaling-araw noong Miyerkules Santo habang nagpapahinga ang grupo ni Mayor Gatlabayan sa loob ng sariling bahay sa Gatsville Compound sa Sitio Silawis, Brgy. San Isidro nang bigla silang makarinig ng sunud-sunod na putok galing sa harapang gate ng nasabing bahay.
Agad na naglabasan ang mga bataan ni Mayor Gatlabayan at hinabol ang suspek na mabilis na tumakbo.
Nasakote ang suspek sa isang bahay di-kalayuan na nakasukbit pa ang baril na ginamit sa pagpaputok at umanoy amoy alak.
May teorya ang mga awtoridad na may motibong pulitika ang paninindak na ito kay Mayor Gatlabayan dahil ang asawa ng alkalde na si Josefina (Pining) Gatlabayan ay mahigpit na katunggali ni Ronnie Puno sa Kongreso sa 1st District ng Antipolo.
Walang ibang personal na motibo ang suspek sa mga Gatlabayan dahil hindi naman ito taga-Antipolo. Ayon pa sa Antipolo PNP, si Lawas ay kasalukuyang naninilbihan bilang Prison Guard 1 sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City.
Kaugnay ng balitang ito, may nagpakalat din kamakailan ng mga poison letter laban kay Gatlabayan at may mga sumisira ng campaign materials nito.
Sinisikap hingin ang panig ni Puno ukol sa usapin, subalit ayon sa katiwala nito, kasalukuyan siyang nasa bakasyon. (Ulat ni Edwin Balasa)