Pormal na sinampahan ng kaukulang kaso ang mga suspek na sina Mercy Jane Rivera, 43, Chito Sarmiento, 20, July Landingin, 38, na pawang residente ng Bonoan Binloc, Dagupan City; Romulo Banasen, 16 at Arnold Sembrano na pawang naninirahan sa Atis, Lingsat, San Fernando City.
Ayon kay P/Sr. Supt. Samuel B. Diciano, police provincial director, ang mga suspek ay nasabat sa checkpoint sa Parac-Parac, San Fabian, Pangasinan matapos na magreklamo si Gracer Jabar, ina ng biktimang si Marvon Jabar.
Base sa ulat ng pulisya, tinyempuhan ng mga suspek na naiwan mag-isa ang sanggol saka isinagawa ang modus-operandi.
Hindi naman nagtagal ay agad na nagreklamo sa himpilan ng pulisya ang ina ng biktima kaya inalerto ang lahat ng lagusan ng mga suspek.
Napag-alaman kay P/Chief Insp. Sterling Blanco, hepe ng Intelligence and Operation ng La Union PNP command, ang lima ay gumagala sa ibat ibang barangay sa naturang lungsod upang mandukot ng mga bata at ipinagbibili sa mayayamang pamilya na walang anak sa Maynila at Baguio City. (Ulat ni Myds Supnad)